PAGKAMATAY NI ATIO IPINADEDETALYE PA KAY VENTURA SA SENADO.

 

Umaasa si Senador Sherwin Gatchalian na sasabihin na lahat ni Aegis Juris fraternity member Marc Anthony Ventura ang kanyang nalalaman sa pagkamatay ng University of Santo Tomas (UST) freshman law student na si Horacio Tomas ‘Atio’ Castillo III.

“Ang gusto nating marinig in detail ‘yung kwento ni Mr. Ventura tungkol sa mga nangyari,” pahayag ni Gatchalian, miyembro ng Senate committee on public order and dangerous drugs, sa pana­yam sa radyo kahapon.

Ayon sa senador, ina­asahan ng Senado na papangalanan na ni Ventura ang mga opisyal ng fraternity na nagplano gayundin ang mga kasama nitong naroroon nang isailalim sa hazing si Castillo.

“Gusto natin marinig ‘yung nangyari, ‘yung detalye, at kung sino-sino ba talaga ang nagplano at mga sumali dito sa nangyaring hazing,” sabi ni Gatchalian.

Ipagpapatuloy nga­yong araw, Lunes, ang pagdinig ng Senado sa pagkamatay ni Castillo sa hazing ng Aegis Juris.

Isinailalim na si Ventura sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ).

Naisumite na ang “confidential” affidavit ni Ventura sa WPP at nai-release na umano sa ilang miyembro ng media noong Huwebes.

Subalit ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre III, hindi pa sila naglalabas ng kautusan para sa pagpapalabas ng affidavit ni Ventura.

Gayunpaman, naniniwala si Gatchalian na maaari pa ring ibunyag ni Ventura ang kanyang nalalaman sa insidente sa pagdinig ng Senado ngayong Lunes ng umaga.

“Whether ‘yung procedure nila (DOJ) doon is another question. Ibang issue iyan. Para sa amin naman, iba kaming branch of government, at iba naman ‘yung aming katungkulan.

Tingin ko walang magiging issue kung ikukuwento ni Ventura ‘yung kanyang nalalaman,” dagdag pa ng mambabatas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *